Hapdi
Kahit alam kong hindi mo na ako naalala pa
Sumasagi pa rin ang mga kahapon ng hapdi
dala ko pa rin ang lungkot
na dala ng iyong paglimot;
Narito pa rin ang aking anino
pilit itinatago
luhang dumadapo sa pisnging
minsan mong sinampal.
Bukas ng gabi mag-iisip na naman ako
at pilit ibubukas ang mga mata
kahit pagod na.
Diyan sa iyong puso na ubos na
ang pagtitiwala
ilalantad ko ang aking dibdib
at hahayaan kong malaman mo
ang kalagayan
at husgahan:
Kung dapat ba o hindi
na manatiling ganitong
umaasa sa ‘yo.